Sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Estados Unidos ipadala ang buong Seventh Fleet sa South China Sea kung nais nilang palayasin ang China sa pinagtatalunang mga teritoryo.
Pahayag ito ng Pangulong Duterte sa gitna na rin ng sinasabing militarisasyon ng China kasama na ang mga bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
“Kung gusto talaga ng Amerika na paalisin ‘yung China, hindi ko man kaya, maghingi ako ng tulong sa kanya,” wika ni Duterte.
“I want the whole fleet of the Seventh Fleet of the Armed Forces of the United States there,” dagdag nito.
Ang Seventh Fleet ay nakabase sa Japan kung saan sakop ng kanilang area of responsibility ang Western Pacific at Indian Oceans.
Gayunman, mistulang nagbiro na ang Pangulong Duterte sa kalagitnaan ng panayam ng media.
“Magpasok sila sa China Sea, magpasok ako. I will ride doon sa Amerikano na mauna doon,” ani Duterte.
Iimbitahan rin daw ng Pangulo sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
“I will invite Carpio, Del Rosario,Morales to ride with me. Then sabihin ko sa Amerikano, ‘Sige, pasabugin na natin lahat’.”
Una nang hinamon ng Pangulong Duterte ang Washington na magdeklara ng giyera laban sa Beijing at susunod na lamang daw siya rito.