Binatikos umano ng top lawmaking body ng China ang defense bill na ipinasa ng Estados Unidos nitong nakaraang linggo, na umano’y isang uri ng “interference” o pangingialam.
Ayon kay You Wenze, tagapagsalita ng Foreign Affairs Committee ng National People’s Congress (NPC) ng China, mariin nitong tinututulan ang National Defense Authorization Act (NDAA) na lusot na sa US Senate.
Una nang nilagdaan ni US President Donald Trump ang batas kaugnay sa alokasyon na $738-billion bill.
Katwiran ni You, ang bahagi ng panukala na binabanggit ang Taiwan ay pinapahina raw ang kapayapaan sa rehiyon.
Sa ilalim kasi ng batas, susuportahan ng Washington ang puwersa militar ng Taiwan, na ikinokonsidera naman ng Beijing na bahagi ng People’s Republic of China.
Nakasaad din dito ang pagsuporta sa pro-democracy protestors nng Hong Kong, maging ang pag-oobliga sa China na bumuo ng report ukol sa pagtrato sa minority Muslim Uighur population sa Xinjiang.
“The US plan to interfere in the internal affairs of other countries under the guise of ‘democracy’ and ‘human rights’ will never succeed,” saad ni You. “Xinjiang-related issues are not at all human rights, ethnic, and religious issues, but anti-terrorist and depolarization issues.” (Reuters)