Binatikos ni US Defense Secretary Lloyd Austin III ang iresponsableng mga aksiyon ng China sa West Philippine Sea na nagresulta sa pinsala ng barko ng Pilipinas at pagkasugat ng navy personnel ng bansa.
Ginawa ng US official ang pahayag sa isang joint press conference sa US Indo-Pacific Command headquarters sa Honolulu, Hawaii.
Dinaluhan din ito nina PH Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Australian Deputy Prime Minister and Minister for Defence Richard Marles, Japanese Minister of Defense Kihara Minoru.
Ayon pa kay Austin, ang naturang aksiyon kung saan nalagay sa panganib ang buhay ng mga Filipino crew na nasugatan at nagdulot ng pinsala sa mga barko ng PH ay isang pagbalewala din sa international law.
Tinutukoy dito ng US Defense chief ang pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard sa barko ng PH habang nagsasagawa ng resupply mission sa Ayugin shoal noong Marso 23 na ikinasugat ng 3 Navy personnel.
Gayundin ang paggamit ng CCG sa unang pagkakataon ng napakalakas na water cannon sa supply mission ng 2 barko ng PCG at BFAR sa Panatag shoal na nagresulta din sa pagkasira ng railings at canopy ng barko ng PH.