Biglang binawi ni US Defense Secretary Lloyd Austin ang plea agreement para sa umano’y mastermind o nasa likod ng 9/11 terror attacks at kaniyang mga kasabwat.
Sa isang surprise memorandum na inilabas nitong gabi ng Biyernes, oras sa Amerika, sinabi ni Austin na ang responsibilidad para sa naturang mahalagang desisyon ay nakadepende sa kaniya.
Kung maaalala, 2 araw ang nakalipas, inanunsiyo ng Pentagon na napag-kasunduan ang isang plea deal para kay Khalid Sheikh Mohammed, o mas kilala bilang KSM at 2 pa nitong co-defendants na sina Walid Bin ‘Attash, at Mustafa al-Hawsawi na inakusahan ng pagplano ng pag-atake noong September 11, 2001. Subalit nagmitsa naman ang kasunduan ng galit sa mga kamag-anak ng mga napatay sa 9/11 terror attack.
Sa memo na pinadala ni Austin sa overseer ng kaso na si Susan Escallier, nakasaad na umaatras na ang Pentagon chief mula sa 3 pre-trial agreements na nilagdaan niya noong July 31, 2024 na nagkakansela ng parusang kamatayan para sa 3 akusado.
Ang kaso nga laban sa mga 9/11 defendants ay ilang taon ng nakabinbin habang ang mga akusado ay nananatiling nakabilanggo sa Guantanamo Bay military base sa Cuba.
Matatandaan, naglunsad ng 4 na coordinated Islamist terrorist suicide attacks ang al-Qaeda laban US noong September 11, 2001 kung saan umaga ng araw na iyon, 19 na terrorist ang nag-hijack sa 4 na commercial airliners na naka-schedule noong bumiyahe mula East coast patungong California. Ito ang itinuturing na deadliest terrorist attacks sa kasaysayan ng Amerika na ikinasawi ng 2,996 katao.