Ibinunyag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na pinaplano ni United States Defense Secretary Lloyd Austin na bumisita dito sa Pilipinas.
Nais umano ng US official na makipagkita sa kaniyang Filipino counterpart na si National Defense Secretary Carlito Galvez Jr. na naitalaga kamakailan lamang.
Ayon pa sa kay Romualdez, ang pangunahing layunin ng pagbisita ni Austin ay para makapagtulungan sa ating defense establishments lalo na sa bagong kalihim ng Defense department ng bansa.
Ang naturang plano ay kasunod rin ng rebelasyon na mayroong seryosong pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Amerika hinggil sa pagsasagawa ng joint patrols sa West Philippine Sea.
Nilinaw naman ni Romualdez na ang naturang joint patrols ay hindi lamang sa Amerika kung posible rin itong isagawa kasama ang ibang kaalyado ng bansa gaya ng Japan at Australia.
Paliwanag pa ng US official na mayroon kasing nilagdaang Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na bahagi lamang ng maraming aspeto ng ating defense relationship o defense alliance kasama ang US.