Nababahala ngayon si United States Secretary of Defense Lloyd Austin III sa inasal ng China kasunod ng insidente ng paghaharass ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa tangkang panghaharang ng mga barko ng China Coast Guard sa dalawang barko ng Philippine Coast Guard upang hindi ito makapasok sa Ayungin Shoal.
Ang pagkabahalang ito ay ipinahayag ni Austin sa kasagsagan ng kanilang pagpupulong ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Mapanganib kasi aniya ang naging operational behavior ng mga barko ng China laban sa mga barko ng Pilipinas na naglalayag lamang sa Ayungin Shoal.
Samantala, kasabay nito ay muli ring iginiit ng Estados Unidos ang ironclad alliance at commitment nito sa Pilipinas, at gayundin ang pagbibigay-diin sa Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa kabilang na ang Philippine public vessels, aircraft, at armed forces, at marami pang iba.
Muli ring pinagtibay ng dalawang opisyal ang commitment ng dalawang bansa sa pagtataguyod sa rules-based order at gayundin ang pagbibigay suporta sa kabuhayan ng mga lokal na komunidad ng Pilipinas sa West Philippines Sea alinsunod na rin sa Arbitral Tribunal Ruling noong taong 2016.