Nagpahayag ng pagkabahala ang embahada ng Estados Unidos at European Union dahil sa pangha-harass ng China Coast Guard laban sa isang sasakyang pandagat ng Pilipinas malapit sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay US Ambassador MaryKay Carlson, ang labag sa batas, mapanganib, at agresibong pag-uugali ng People’s Republic of China ay nakagambala sa misyon ng bansa at naglagay ng panganib sa buhay ng ating mga tropa.
Patuloy aniya ang kanilang suporta sa ating bansa.
Samantala, sa hiwalay na pahayag, naalarma si European Union Ambassador Luc Véron sa aksyon ng China na pigilan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na maghatid ng mga suplay sa mga mangingisdang Pilipino sa Escoda Shoal.
Una rito, binangga at binomba ng water cannon ng China Coast Guard ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR malapit sa Escoda Shoal.
Sa isang pahayag, sinabi ng CCG na ang BRP Datu Sanday ay “iligal na lumusob” sa teritoryo ng China at patuloy na lumapit sa kanilang mga sasakyang pandagat sa isang “mapanganib na paraan.”