-- Advertisements --

Muling ipinaalala ng Philippine National Police (PNP) sa mga raliyista na isang “no rally zone” ang US embassy, iba pang embahada at tanggapan ng international groups sa Metro Manila.

Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, non-negotiable para sa protesta ang mga nabanggit na lugar.

Sinabi ni Carlos na may mga pulis na naka poste sa US Embassy at sa iba pang mga embahada.

Una nang sinabi ni NCRPO chief P/Dir. Oscar Albayalde na nasa 400 pulis ang itinalaga nila sa embahada ng Amerika.

Pahayag ng PNP spokesman, ang mga lugar lamang na pwedeng pagdausan ng kilos protesta ay sa mga sumusunod: Quirino Grandstand, People Power Monument, Quezon Memorial Circle, Mendiola at Plaza Miranda.

Pinatitiyak naman ng pulisya sa mga organizer ng rally na siguraduhing hindi sila mahahaluan ng mga nais manabotahe sa aktibidad.

Giit ni Carlos, bawal magdala ng armas sa rally, hindi dapat okupahin ang mga kalsada para hindi maabala ang trapiko at huwag lumabag sa batas.

Mahigpit naman ang bilin ni PNP Chief P/D/Gen. Ronald Dela Rosa sa mga pulis na pairalin ang maximum tolerance ngayong araw.