Nakisama na rin ang Estados Unidos na nagkaroon ng interes kaugnay sa kaso sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Mabasa o kilala sa tawag na Percy Lapid.
Sa isang statement, sinabi ng US Embassy sa Pilipinas na wini-welcome nila ang pagtitiyak ng mga law enforcement agencies’ sa puspusang imbestigasyon sa pagpatay kay Lapid.
Si PNP chief Gen Rodolfo Azurin ay bumisita na rin sa burol ng ng biktima.
“Freedom of expression is essential to building the future the people of the Philippines want and deserve. We welcome law enforcement agencies’ investigation into Mr. Percival Mabasa’s death,” bahagi ng statement ng embahada.
Ang naging statement ng US embassy ay matapos din na ang mga gobyerno ng Canada at Netherlands sa pamamagitan ng kanilang mga embahada rito sa bansa ay nanawagan din sa gobyerno ng Pilipinas na panagutin ang mga nasa likod ng naturang karahasan.
Nangangamba rin kasi ang mga ito na posibleng magdulot ito ng “chilling effect” sa iba pang mga journalists na ginagawa lamang ang kanilang trabaho.
Ayon pa sa US embassy ang malayang pamamahayag sa Pilipinas ay mahalaga sa pagbuo ng magandang kinabukasan ng mamamayan na kanilang nanaisin at nararapat.
Ilang miyembro naman ng pamilya ang nagsabi na posibleng may makuhang lead ang Southern Police District (SPD) sa mga suspek matapos na marekober ang dashcam ng kotse at cellular phone ng veteran radio journalist.
Samantala, inanunsiyo ni DILG Secretary Benhur Abalos na maglalaan siya ng P500,000 na reward money sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng mga suspeks.
Sinasabing magmumula raw sa sariling bulsa ni Abalos ang alok na reward para sa makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip sa mga suspect na pumatay kay Lapid.