Hinimok ng United States Embassy sa Pilipinas ang kanilang mga mamamayan na irekonsidera ang pagtungo dito sa bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa isang travel advisory, sinabi ng embahada na ang Centers for Disease Control and Prevention ay nag-isyu ng level 3 Travel Health Notice sa Pilipinas.
Sa pinakahuling datos kasi ay nagtala na ang Pilipinas ng 126,885 kabuuang COVID-19 cases, kasama na ang 67,117 recoveries at 2,209 deaths.
Nitong Huwebes din nang malampasan na ng Pilipinas ang Indonesia sa dami ng mga kinakapitan ng COVID-19 sa Southeast Asia.
Samantala, pinag-iingat din ng US Embassy ang kanilang mga kababayan sa pagtungo sa bansa dahil umano sa “krimen, terorismo, kaguluhan, measles outbreak, at kidnapping.”
Pinaiiwas din ang mga turista sa pagbisita sa Sulu maging sa Marawi City.