Nagpaliwanag ang US Embassy na nakabase dito sa Pilipinas ukol sa tunay na layunin ng ‘US Task Force Ayungin’ .
Maalalang kinumpirma ni outgoing United States Defense Secretary Lloyd Austin III ang presensiya ng ‘US Task Force Ayungin’, isang military unit na binubuo ng mga sundalong Amerikano na nakabase sa Pilipinas.
Ayon kay US Embassy spokesperson Kanishka Gangopadhyay, ang naturang task force ang nagbibigay-daan para masuportahan ng US ang mga aktibidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa West Philippine Sea.
Ito ay resulta ng kooperasyon sa pagitan ng U.S. at Philippine forces, kasama ang Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) process at ang Bantay Dagat framework.
Sa pamamagitan nito ay napapalakas ang samahan sa pagitan ng mga sundalo ng dalawang bansa, naisusulong at napoprotektahan ang malaya at ligtas na Indo-Pacific Region.
Sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmasyon ang Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines (AFP) ukol sa naturang task force.
Sa mga nakalipas na buwan, wala ding nababanggit ang AFP ukol sa presensiya ng naturang task force.
Samantala, wala ding kumpirmasyon kung ang naturang task force ay tumutukoy sa Ayungin sa WPS. Ang Ayungin ay isang bahura sa WPS kung saan isinadsad ang BRP Sierra Madre, ang World War II ship na nagsisilbing outpost ng Armed Forces of the Philippines sa WPS.