-- Advertisements --

Siniguro ng Embahada ng US sa Pilipinas ang kahandaan nitong tumulong sa resupply mission ng bansa sa mga tropa ng pamahalaan na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.

Una rito ay natanong si Philippine Navy spokesman for the West Philippine Sea Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, kung plano ng pamhalaan na gamitin ang drone system ng US na Tactical Resupply Unmanned Aircraft System (TRUAS).

Bilang kasagutan dito, sinabi ng tagapagsalita ng Embahada na si Kanishka Gangopadhyay, na ang alyansa ng Pilipinas at US ay mananatiling matatag, kasabay na rin ng patuloy na koordinasyon ng dalawang bansa para sa pagsasagawa ng iba’t-ibang mga aktibidad.

Gayunpaman, tumanggi na itong maglatag ng iba pang detalye ukol sa aniya’y ‘diplomatic discussions’ sa pagitan ng Pilipinas at US.

Una nang sinabi ng Phil Navy na ikinukunsidera nito ang lahat ng opsyon para sa mga isasagawang resupply mission sa WPS, kasabay na rin ng lalo pang tumitinding pagharang ng mga Chinese vessel sa mga resupply mission ng Pilipinas.

Maalalang una nang sinabi ng US Marine Corps na ginamit nila ang TRUA System sa isinagawang Balikatan Exercises noong Abril.

Muli din itong ginamit sa Archipelagic Coastal Defense Continuum (ACDC) noong Mayo, 2024.

Ang naturang drone system ay isang Class 3 unmanned aerial system na nagagawang makapagdeliver ng mga supplies sa ilang kritikal at malalayong lugar.

Ilan sa mga katangian nito ay ang bilis at precise location.