Nais umano ng Pilipinas na mapanatili ang malakas na bilateral relations sa Estados Unidos kasunod ng pagkapanalo ni dating Vice President Joe Biden sa katatapos ng US presidential elections.
Sinabi ni Philippine ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, majority o nasa 60 percent ng dalawang milyong Filipino-Americans ang bumoto kay Biden sa nasabing White House race.
Karamihan umano dito ay mula sa California na balwarte ng mga Democrats habang ilang Pilipino naman sa northeast at katimugang bahagi ng US ang bumoto kay US President Donald Trump.
Ayon kay Amb. Romualdez, hindi kaila na may mga grupong magsasamantala sa sitwasyon para pag-awayin o lumikha ng lamat sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at president-elect Biden.
Inihayag ni Amb. Romualdez na may sariling agenda ang mga gustong mang-intriga at hindi ikabubuti ng Pilipinas na magkaroon ng major issues at problema na makakaapekto sa atin.
Iginiit pa ni Amb. Romualdez na ang mga isyu ng human rights at press freedom ay maaari namang maresolba sa pamamagita ng dialogue at pagpapaliwanag.
Noong nakaraang taon, nilagdaan ni Pres. Trump ang isang batas kung saan nakapaloob ang isang amendment na nagbibigay otorisasyon sa US Secretary of State na pagbawalang makapasok sa Estados Unidos ang mga opisyal ng Pilipinas na nasa likod ng pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.
Maliban dito, nagpasa rin ang US Senate na kinabibilangan ni Vice President-elect Kamala Harris ng isang resolusyong humihikayat kay Trump na magpatupad ng sanctions sa mga nasabing opisyal ng Pilipinas.