Dumating na sa Pilipinas ang mga eksperto mula sa US sa kahilingan ng gobyerno na tumulong sa paglilinis ng oil spill na kumalat sa iba’t ibang probinsiya mula sa Oriental Mindoro.
Kabilang sa mga ito ang limang miyembro ng US Coast Guard (USCG) National Strike, na magbibigay ng kadalubhasaan sa paksa at pagtatasa sa mga apektadong lugar.
Ayon sa US Embassy, tutukuyin ng mga ipinadalang tauhan ang pinakamabisang paraan at kagamitan para mapigil at linisin ang oil spill mula sa lumubog na tanker na MT Princess Empress.
Dalawang miyembro ng US National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) ang makikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagsasagawa ng mabilis na environmental assessments sa mga apektadong lugar.
Sa pagpopondo ng US Agency for International Development (USAID), tutukuyin din nila ang mga priyoridad na lugar na may panganib sa pagkasira ng kapaligiran, at i-assess ang mga pangangailangan para sa pagpapanumbalik ng ecosystem sa karagatan nito.
Una nang nagbigay ang National Oceanic and Atmospheric Administration sa Philippine Coast Guard ng satellite imagery para palakasin ang mga imagery assessment sa lugar na apektado ng malawakang oil spill.