All-set na ang pagbubukas ng 34th RP-US Balikatan Exercises 2018 na nakatakda sa darating na May 7 at magtatapos ito sa May 18 ngayong taon.
Kaugnay ng nalalapit na joint military exercises, nagsimula nang dumating ang mga tropa ng US Forces na lalahok sa taunang aktibidad.
Nuong Huwebes, April 19, nag-ikot na sa ilang lugar sa Luzon ang ilang US forces para sa gagawing community engagements.
Samantala, kinumpirma ng US Embassy dito sa Manila na nagsimula na rin ang community engagements ng Philippine at US forces bago pa man ang opisyal na pagbubukas ng exercises.
Tutukan ng mga sundalong Pinoy at Kano ang pag-renovate ng mga paaralan, gayundin ang pagsasagawa ng medical mission sa komunidad na pakikinabangan ng mga lokal na residente.
Ayon kay Balikatan Exercises spokesperson Lt. Liezl Vidallon, limang sites ang tinukoy para sa Balikatan exercises at humanitarian activities.
Kabilang dito ang mga probinsya ng Tarlac, Nueva Ecija, Cagayan at Isabela.
Dagdag pa ni Vidallon, nakasentro ang Balikatan exercises ngayong taon sa mutual defense, humanitarian assistance, disaster relief, at counterterrorism.