-- Advertisements --

Kinondena ng US, France, United Kingdom at European Union ang panibagong pambobomba ng water cannon ng barko ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa Scarborough shoal.

Kaugnay nito, nagpahayag si US Ambassador Marykay Carlson ng pagpapatibay ng US government ng suporta nito para sa PH para sa paninindigan sa kalayaan sa paglalayag at international law.

Tinawag naman ni EU Ambassador Luc Veron ang ginawa ng CCG na labag sa international law.

Sinabi rin nito na ang mapanganib na mga maniobra, pambobomba ng water cannon, paglalagay ng floating barrier o anumang agresibong aksiyon ay banta sa buhay sa karagatan, kalayaan sa paghlalayag at pagbabawal sa paggamit ng pwersa.

Sa parte naman ni British Ambassador Laure Beaufils, binigyang diin niya ang panawagan ng UK para sa paggalang sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award.

Sinusugandin ng French Embassy sa PH ang apela ng UK kasabay ng pagpapahayag ng pagkabahala kaugnay sa naturang insidente.

Matatandaan, nitong Martes, binombahan ng CCG ng water cannon ang 2 barko ng PH at napinsala pa ang raling at canopy ng 1 sa mga barko ng bansa habang nagsasagawa ng patrolya at resupply mission para sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.

Nagsagawa din ng mapanganib na maniobra at pagharang ang 4 na CCG vessels at 6 na maritime militia vessels.