Nahaharap ang gobyerno ng Amerika sa posibleng shutdown simula alas-12:01 ng madaling araw bukas, Sabado, Disyembre 21 dahil sa nakatakdang pagpaso ng kasalukuyang pondo nitong gabi ng Biyernes.
Ito ay matapos na bumuto ng hindi pabor ang US House of Representatives sa funding measure na suportado ni President-elect Donald Trump.
Nabigong makakuha ang revised spending plan ng two-thirds majority na kailangan sa mababang kapulungan ng Kongreso kung saan 38 Republicans ang tumutol laban sa federal spending bill nitong gabi ng Huwebes, oras sa Amerika.
Matapos mabigong maipasa ang bill sa botong 174-235, sinabi ni Republican House Speaker Mike Johnson na gagawa siya ng bagong solusyon bago ang deadline o magpaso ang government funding nitong hatinggabi ng Biyernes.
Nag-ugat ang napipintong government shutdown mula sa kontrobersiya sa bilyun-bilyong dolyar na idinagdag sa federal spending bill kabilang ang pagpapalawig sa government funding ng 3 buwan o hanggang sa Marso 14, 2-year suspension ng federal debt limit hanggang January 2027 at pagbibigay ng $110 billion sa disaster aid.