Gumanti ng air strike ang Amerika kung saan natarget ang 2 weapons at ammunition storage facilities sa silangang bahagi ng Syria na ginagamit ng Iran-linked group na Revolutionary Guards.
Ayon kay Secretary of Defense Lloyd Austin, ang naturang strike ay tugon sa panibagong pag-atake sa mga base militar ng US sa Iraq at Syria ng militia groups na suportado ng Iran na nagsimula noong Oktubre 17.
Nilinaw naman ng opisyal na ang air strikes ng Amerika ay walang kinalaman sa nagpapatuloy na giyera ngayon sa pagitan ng Israel at Hamas.
Sa ngayon wala pang tugon ang panig ng Iran sa naging air strike ng Estados Unidos.
Una rito, nangyari ang air strikes nitong Biyernes malapit sa Abu Kamal, isang bayan sa border nito sa Iraq.
Hindi pa matukoy sa ngayon kung mayroong mga naitalang casualties sa naturang pag-atake.