-- Advertisements --

Nakahanda umano ang Estados Unidos na mag-supply ng armas sa Pilipinas kung kakailanganin nito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, pinasasabi umano ito ni US President Donald Trump kay Pangulong Duterte sa pamamagitan ni US Secretary of State Michael Pompeo.

Ayon kay Sec. Panelo, sa naturang pulong kinompronta daw ni Pangulong Duterte si Sec. Pompeo sa pagtanggi noon ng US na pagbentahan ang bansa ng mga armas na gagamitin sana sa pagpapalakas ng pulis at militar sa bansa.

Kinuwestiyon din ni Pangulong Duterte sa US official na kung nakapagbibigay ng libreng armas ang Amerika sa mga mahihinang bansa, bakit hindi noon napagbigyan ang binibiling armas ng Pilipinas na itinuturing pa naman nitong “ally.”

Kasabay nito, ipinarating naman ni Sec. Pompeo kay Pangulong Duterte na nasa likod lamang ng Pilipinas ang Amerika sa claim nito sa West Philippine Sea kontra China.

Inihayag ni Sec. Panelo na handa umano ang US na protektahan ang Pilipinas kung magkaroon ng pag-atake mula sa mas makapangyarihang bansa.