Maging si US Defense Secretary Lloyd Austin ay nagpaabot din nang paniniguro na hindi nila tatalikuran ang commitment na ipagtanggol ang Pilipinas kasunod nang pagiging agresibo na naman ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Austin ang paniniyak sa kanyang counterpart na si Defense Sec Delfin Lorenzana matapos na sila ay magkausap sa pamamagitan ng telepono.
Ito ay kasunod ng kontrobersiyal na pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa supply ship ng Pilipinas na magtutungo sana sa Ayungin Shoal upang mag-deliver ng supply sa ilang sundalo na nakadestino sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa statement mula sa Pentagon, kapwa nagkasundo sina Austin at Lorenzana na dapat panatilihin ang estabilidad sa West Philippine Sea dahil sa mahalaga ito upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Samantala tiniyak din ng dalawa na magpapatuloy pa ang kanilang ugnayan sa mga susunod na araw.
“I had a productive call with SND @del_lorenzana and reaffirmed the strong U.S. commitment to our Philippine allies under the Mutual Defense Treaty. We both welcomed recent bilateral efforts to further strengthen our alliance,” bahagi Twitter post ni Sec. Austin.
Una rito, sinabi na rin ni US State Department Spokesperson Ned Price na base sa mutual defense treaty ay nasa likod sila para ipaglaban ang Pilipinas sa karapatan nito sa West Philippine Sea.
Naniniwala ito na ang ginawa ng China ay hindi makatarungan at nakakasira ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Pinaalalahan din nito ang China na dapat kilalanin ang 2016 arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na ibinabasura ang ginagawang pagpapalawak ng China sa mga nasasakupang mga isla malapit sa West Philippine Sea.
“They agreed on the vital importance of peace and stability in the South China Sea and pledged to stay in close contact in the coming days. Secretary Austin reiterated that the United States will stand with our Philippine allies,” bahagi ng statement ni Pentagon Press Secretary John Kirby.