Sinimulan na umano ng gobyerno ng Estados Unidos na hingin ang detalye ng mga social media accounts ng mga visa applicants.
Ito raw ay bahagi ng mas pinaigting na screening ng mga potensyal na immigrants at mga bisita na ipinatupad ng administrasyon ni US President Donald Trump.
Batay sa ulat, maliban sa social media usernames, inoobliga rin ang mga aplikante para sa U.S. visas na isumite rin ang kanilang mga dating email addresses at phone numbers na ginamit nila sa nakalipas na limang taon.
Kailangang isumite ng mga aplikante ang karagdagang mga impormasyon sa revised application form sa sandaling mag-apply ang mga ito.
Inaasahang nasa 15-milyong banyaga na mag-a-apply ng visa para makapasok sa US kada taon ang maaapektuhan ng naturang development.
Dati ay hinihingi lamang ang social media, email at phone number histories ng mga aplikante na dumaan sa masusing pagsisiyasat dahil sa posibleng banta.
Sa pahayag naman ng US State Department, layon ng karagdagang requirement na paghusayan pa ang screening processes upang pangalagaan ang kanilang mga mamamayan.
Exempted naman mula sa naturang mga requirements ang mga aplikante sa partikular na diplomatic at official visa types.