Hinimok ng Amerika sa pamamagitan ni US Ambassador to the Philippine MaryKay Carlson ang People’s Republic of China na itigil na ang panggigipit sa mga barko ng Pilipinas na legal na nago-operate sa loob ng exclusive economic zone nito.
Gayundin para ihinto ang paglabag nito sa sovereign rights ng mga estado sa pag-explore, paggamit, pag-konserba at pamamahala sa kanilang likas na yaman sa kani-kanilang teritoryo at EEZ at waksan na ang panghihimasok nito sa kalayaan sa paglalayag at pagpapalipad ng lahat ng estado na lehitimong nag-ooperate sa rehiyon.
Binalaan din ng US official ang China lumalakas pa at mas nagiging malakas kada araw ang mga panawagan sa naturang higanteng bansa na sumunod sa international law sa gitna ng patuloy na paglabag nito sa mga karapatan ng ibang mga bansa sa pinaga-agawang karagatan.
Kaugnay nito, sinabi ni Carlson na suportado ng US ang abilidad ng lahat ng bansa na gumawa ng kanilang sariling desisyon at itaguyod ang susunod na henerasyon nang may lakas ng loob na mamamayani ang kapayapaan at kaunlaran.
Ginawa ng US envoy ang pahayag matapos ang pinagsisira ng mga tauhan ng China Coast Guard ang rigid hull inflatable boat ng tropa ng Pilipinas gamit ang palakol at matutulis na bagay saka ninakawan pa ng mga baril at binangga at sinampahan pa ang mga barko ng PH Navy habang nagsasagawa ng resupply missions sa Ayungin noong June 17.