Ngayon pa lamang ay pinaghahanda na ng Amerika at ilan pang Western countries ang kanilang mga atleta na sasabak sa Winter Games sa susunod na buwan sa Beijing na kung maaari ay gumamit lamang ng temporary cellphones at laptops.
Ayon sa abiso ng ilang National Olympic Committees, kung maari ang mga personal devices o gadgets tulad ng cellphones ay iwan na lamang nila sa kanilang mga bahay.
Kabado kasi ang ilang eksperto na baka gamitin ng China ang Winter Games sa pang-eespiya at samantalahin ang pagsasagawa ng ilang cybercrime.
Nagpadagdag pa sa kaba ng ilang researchers ay ang umano’y virus-monitoring app na dapat gamitin ng mga dadalo sa Games.
Liban sa US, ang naturang mahigpit na pag-iingat ng mga atleta ay gagayahin din ng Canada, Switzerland, Sweden, Serbia, Slovenia, Slovakia, Belgium at Britanya.
Samantala, todo tanggi naman ang Beijing Winter Olympic Organizing Committee na gagamitin ng gobyerno ang palaro sa malawakang surveillance dahil wala umanong basehan ang mga alegasyon.
Ang Winter Games ay isasagawa na mula Pebrero 4 hanggang Pebrero 20 doon sa Beijing, China.