Inaasahang maglulunsad ng airstrikes ang Iran laban sa multiple targets nito sa loob ng Israel sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, nakahanda ang Amerika na harangin ang anumang mga weapon na papakawalan ng Iran sa kaalyado nitong Israel.
Kasabay nito ay naka-high alert din ang Biden administration sa posibleng pagsiklab na kaguluhan at hindi inaasahang pangyayari sa Middle east.
Muling naglabas din ng mahigpit na babala si US President Joe Biden sa Iran na huwag ng ituloy ang planong pag-atake.
Una rito, naniniwala ang US na sasama ang mga proxies ng Iran sa pinaplanong pagganti ng Iran na pag-atake sa Israel at ang kanilang target ay pareho sa loob ng Israel at sa rehiyon.
Naobserbahan din ng US ang paggalaw ng military assets ng Iran kabilang ang kanilang drones at cruise missiles na nagpapahiwatig ng kanilang paghahanda para atakehin ang kanilang target sa Israel mula sa loob ng kanilang teritoryo.
Aabot sa 100 cruise missiles umano ang inihahanda ng Iran para sa pag-atake.
Una rito, nagbabala ang mga lider ng Iran na gaganti sila ng pag-atake sa Israel matapos na mapatay ang senior military officer sa Konsulada ng Iran sa Damascus, Syria noong Abril 1.