-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Amerika ang planong kasunduan sa Israel na pagpapadala ng mga armas na nagkakahalaga ng $8 billion.

Kabilang sa panukalang arms sale ay ang AIM-120C-8 AMRAAM air-to-air missiles para sa fighter jets, 155mm artillery shells, small diameter bombs, 500-pound warheads, bomb fuzes at iba pang equipment.

Iprinisenta ng US State Department ang naturang kasunduan bilang isang hakbang para suportahan ang pangmatagalang seguridad ng Israel sa pamamagitan ng muling pagsusuplay ng stocks ng mga critical munitions at air defense capabilities.

Ayon sa isang US official, nilinaw ni President Joe Biden na karapatan ng Israel na depensahan ang mamamayan nito, alinsunod sa international law at international humanitarian law at para mapigilan ang agresyon mula sa Iran at sa mga proxy organizations nito. Sinabi din nito na ipagpapatuloy ng US ang pagbibigay ng mga kaukulang tulong para sa depensa ng Israel.

Sa ngayon nakabinbin pa ang pag-apruba ng US Congress para sa naturang arms deal sa Israel.

Ginawa ng Biden administration ang naturang panukala ilang linggo na lamang bago ang napipintong mga araw sa termino ni President Biden bago ang inagurasyon ni President-elect Donald Trump sa Enero 20, 2025.

Samantala, humaharap naman ang US sa mga batikos dahil sa pagbibigay nito ng military aid para sa Isael sa gitna ng tumataas na bilang ng mga nasasawing Palestino sa gitna ng hindi pa rin natatapos na giyera sa Gaza kung saan pumalo na sa mahigit 45,650 ang nasawi karamihan ay mga kababaihan at mga bata simula ng sumiklab ang October 7 attack.