-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Amerika ang unang pag-atras ng Israeli forces sa south Lebanon sa ilalim ng ceasefire deal sa pagitan ng Israel at Hezbollah nitong Miyerkules.

Sa isang statement, sinabi ng US Central Command (CENTCOM) na present ang command leader na si General Erik Kurilla sa pag-implementa at pagbabantay sa headquarters kahapon sa gitna ng nagpapatuloy na unang pag-atras ng Israeli Defense Forces kung saan papalitan sila ng Lebanese Armed Forces sa Al-Khiam, Lebanon bilang parte ng ceasefire agreement.

Ayon kay Gen. Kurilla, mahalaga ang unang hakbang na ito sa pagpapatupad ng pangmatagalang pagtigil na ng labanan at paglatag ng pundasyon para sa tuluy-tuloy na progreso.

Sinabi naman ni Lebanese Prime Minister Najib Mikati na ang pag-istasyon ng mga tropa sa Khiam at Marjayoun areas ay nagpapakita ng isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng deployment ng kanilang kasundaluhan sa southern Lebanon sa pagpapatupad ng tigil putukan.

Samantala, sa panig naman ng Israeli military, sinabi nito na nakumpleto na ng 7th Brigade ang kanilang misyon sa Khiam sa southern Lebanon.

Inihayag din ng Israeli military sa isang statement na nakadeploy ang mga sundalo ng Lebanese Armed Forces sa lugar kasama ang UNIFIL na isang UN peacekeeping mission sa lugar alinsunod sa ceasefire deal at sa koordinasyon ng Amerika.

Matatandaan na halos isang taong nagpalitan ng cross-border strike ang Israel military at militanteng Hezbollah sa Lebanon na sumiklab isang araw matapos ang pagsalakay ng kaalyado ng Hezbollah na Hamas laban sa Israel noong Oktuber 7, 2023.

Kamakailan lamang, noong November 27 nang maging epektibo ang ceasefire sa pagitan ng Israel at Hezbollah.

Samantala, nakatakda namang i-atras ng Hezbollah ang kanilang pwersa sa hilaga ng Litani river, 30 kilometro mula sa border at gibain ang kanilang military insfrastructure sa southern Lebanon.