Inaprubahan ng US Congress ang $5.58 billion sale ng F-16 fighter jets para sa Pilipinas.
Ginawa ng Amerika ang naturang hakbang sa gitna ng inaasahang strategic partnership ng US sa pangunahing kaalyado nito sa Southeast Asia na may disputes sa China.
Kabilang sa proposed sale ay ang 20 F-16 jets na gawa ng Lockheed Martin Corporation kasama ang iba pang mga equipment gaya ng missiles, radars at spare engines.
Sakaling maisapinal na ito, sinabi ng US State Department na inaasahang magpapalakas pa ito sa seguridad ng Pilipinas na isang strategic partner ng US na patuloy na gumagampan ng mahalagang papel sa pagtataguyod ng political stability, kapayapaan at pag-unlad ng ekonomiya sa Southeast Asia.
Nauna na ngang nag-request ang Pilipinas para sa pagbili ng iba’t ibang klase ng aircraft at equipment kabilang ang 16 na F-16 C Block 70/72 aircraft, 4 na F-16 D Block 70/72 aircraft at mga makina, radars, missile launchers at iba pang equipment na nagkakahalaga ng kabuuang $5.58 billion.