Personal na hinatid ng mga US military personnel ang kanilang donasyon na mga ICU beds para sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon kay Cagayan Valley Medical Center chief Dr. Glenn Mathew Baggao, ang pagdating ng mga kama ay napapanahon dahil nasa full-capacity na ang operasyon ng kanilang hospital, bilang pangunahing sentro para sa severe COVID cases sa rehiyon.
Ang mga ICU beds ay bahagi ng kabuuang donasyon ng US Indo-Pacific Command sa Department of Health (DOH) na binubuo ng mga ICU beds at essential protective equipment para ipamahagi sa COVID-19 high-risk areas sa bansa.
Sinabi ng US embassy na karagdagan pang mga ICU beds at protective equipment, kabilang ang disposable gloves, goggles, face shields, disinfectant spray at iba pang pangangailangan ng mga frontline health workers, ang idedeliver sa koordinasyon ng kanilang Philippine partners sa mga susunod na buwan.
Sa kabuuan ay nakapag-ambag na ang Estados Unidos ng P1.38 billion ($27.5 million) para sa COVID-19 response ng pamahalaan.