Inihayag ng US Department of Defense na hindi umano humingi ng assistance ang Pilipinas sa Amerika matapos ang pag-atake ng China sa mga barko ng Pilipinas na nasa resupply mission.
Iginiit din ng US ang karapatan ng Pilipinas para sa mag-resupply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Ayon kay Pentagon press secretary Air Force Brig. Gen. Pat Ryder, naninindigan ang US sa kaalyado nitong Pilipinas pagdating sa karapatan nito na mag-suplay o mag-resuplay sa barko nito na BRP Sierra Madre na matagal ng nasa Ayungin Shoal.
Wala namang nabanggit ang Pentagon official kung magpapadala ng anumang uri ng karagdagang tulong ang Amerika para sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin shoal.
Hinighlight din ng US ang mapanganib na aksiyon ng China matapos na harangin at bombahin ng tubig ng China coast guard ang resupply vessels ng Pilipinas noong Sabado na una ng sinabi ng US na ito ay direktang banta sa kapayapaan at istabilidad sa rehiyon.
Nanindigan naman ang US na magu-udyok sa US na tupdin ang mutual defense commitments nito sa ilalim ng US-PH Mutual Defense Treaty sakaling magkaroon ng armadong pag-atake sa sasakyang pandagat, panghimpapawid at hukbong sandatahan ng Pilipinas kabailang ang Coast Guard nito sa disputed waters.