Inihayag ng Amerika na nakakasira sa kapayapaan at stability sa rehiyon ang patuloy na pangha-harass ng mga barko ng China sa Philippine vessels sa West Philippine Sea.
Ginawa ni US Department of State Principal Deputy Spokesperson Vedant Patel ang naturang pahayag matapos na muling bombahan ng water cannon ng China ang 2 barko ng PH habang nagpapatrolya at nagsasagawa ng resupply mission para sa mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough shoal.
Sinabi din ng US official na ang paglalagay ng China Coast Guard ng 30-meters floating barriers na nakaharang sa bukana ng Scarborough shoal naglalagay sa kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda sa panganib at pinipigilan ang mga ito na magawa ang kanilang legal na karapatan para mangisda sa naturang karagatan.
Binigyang diin pa ni Patel na ang karapatan ng bansa sa Scarborough Shoal ay pinagtibay noong 2016 matapos ang pinal at legally binding na hatol ng arbitral tribunal.
Kaugnay nito hinimok ng US official ang People’s Republic of China na igalang ang navigational rights at kalayaan na iginawad sa lahat ng estado sa ilalim ng international law.
Tulad ng nauna ng pahayag ni US Ambassador to the PH Marykay Carlson, kinondena din ni Patel ang agresyon ng China at nanawagan para sa pagrespeto at pagsunod sa international laws.