Nagbanta si Iranian President Hassan Rouhani sa kaniyang mga kapwa world leaders na isang maling galaw lamang umano ng mga ito ay posibleng masira ang seguridad sa Persian Gulf.
Ginawa ni Rouhani ang babala sa kaniyang talumpati sa isinasagawang 74th UN General Assembly sa New York, City.
May kaugnayan din ito sa pagtataas ng US sa sanction na ipinataw laban sa Iran kung saan anim na Chinese companies ang pinatawan ng penalty dahil sa patuloy nitong pag-aangkat ng krudo sa nasabing bansa.
Ayon sa pinuno ng Iran, maituturing umano ng isang “economic terrorism” ang ginagawang pang-iipit ng Amerika sa kanilang bansa matapos kumalas ng US mula sa 2015 nuclear deal.
Una na ring idineklara ni Rouhani na walang magaganap na negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa kung hindi babawiin ng Estados Unidos ang mga ipinataw nitong sanction sa Iran.