Nagpatupad ng travel ban ang Estados Unidos sa Iran, at nagtaas din ng travel warnings sa Italy at South Korea bilang tugon sa outbreak ng coronavirus disease (COVID-19).
Anunsyo ito ni Vice President Mike Pence makaraang sabihin ni President Donald Trump na 22 indibidwal sa Amerika ang nagpositibo na sa COVID-19.
Ayon kay Trump, inaasahan nilang posible pang tumaas ang bilang ng mga dadapuan ng naturang virus.
Ikokonsidera rin ni Trump ang karagdagan pang mga restrictions, gaya ng pagsasara ng border ng Estados Unidos sa Mexico upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
“This is not a border that seems to be much of a problem right now,” wika ni Trump. “We’re thinking about all borders.”
Hinimok din ni Trump ang mga Amerikano na huwag baguhin ang kanilang pang-araw-araw na gawain dahil lubos umanong handa ang kanilang bansa para sa mas malawak na outbreak.
Ani Trump, wala rin aniyang rason upang mag-panic dahil sa COVID-19. (AP)