Kinondena nina US President Donald Trump at Japanese Prime Minister Shigeru Ishiba ang ”provocative activities” o mga nakakabahalang aktibidad na ginagawa ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ang naturang pahayag ay nangyari matapos ang kanilang isinagawang pagpupulong kamakailan kung saan ipinaabot ng dalawang lider ang kanilang matinding pagtutol sa ilegal na maritime claims ng China, pagtatayo ng mga manmade island para gawing military base, at ang mga pagbabanta at pananakot nito sa rehiyon.
‘The two leaders reaffirmed their strong opposition to the PRC’s unlawful maritime claims, militarization of reclaimed features and threatening and provocative activities in the South China Sea,’ ayon sa pahayag na tinutukoy ang China gamit ang abbreviation ng opisyal nitong pangalan, ang People’s Republic of China (PRC).
Samantala, inanunsyo ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang plano na magsagawa ng mga joint exercises kasama ang mga coast guard ng Estados Unidos, Japan, at Australia.
Ang mga pagsasanay na ito ay inaasahang susundan ang matagumpay na ika-6 na Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) na isinagawa kasama ang mga naval forces nang tatlong bansang kaalyado.
Ang kamakailang MMCA ay nagbunga ng pagpapadala ng mga frigate, patrol ships, fighter jets, at mga search and rescue assets sa West Philippine Sea. Bukod dito kasama sa rin ang mga isinagawang drills at interoperability exercises na nagpapakita ng collective commitment na tiyakin ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific.
‘This event demonstrated our regional and international cooperation to strengthen support for a free and open Indo-Pacific,’ ani General Romeo Brawner Jr., Chief of the Armed Forces of the Philippines.
Kaugnay nito ipinahayag pa ni PCG spokesman Commodore Jay Tarriela ang pagnanais ng gobyerno, para sa mga similar joint exercises kasama pa ang iba pang bansa, na binigyang-diin ang kahalagahan ng ganitong mga kaganapan para mapalakas ang kooperasyon nito sa mga kaalyadong bansa.
Inalala pa ng ahensya ang matagumpay na ‘trilateral maritime exercise’ noong 2023 sa pagitan ng PCG at mga coast guard ng US at Japan, sa communication exercises, maneuvering drills, maritime law enforcement, at mga search-and-rescue operations.
Sa kabilang dako naglabas ng pahayag ang embahada ng Japan tungkol sa mga pagsasanay noong 2023, na binigyang-diin ang layunin ng pagpapahusay ng operasyon at kooperasyon. ‘Coast guard officers from both countries participated in various drills, ensuring coordination and improving preparedness in responding to maritime incidents,’ sabi ng embahada.
Kaugnay naman ng kamakailang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagsabi na ‘walang kakayahan ang Pilipinas para itaboy ang mga barko ng China Coast Guard (CCG), partikular na ang 165-metro na ”monster ship,” kung saan ipinaliwanag ni Commodore Tarriela na ang pahayag ng Pangulo ay marahil isang panawagan para sa higit na suporta upang mapa-modernize ang PCG.
Nilinaw ni Tarriela na sa kabila ng mga kasalukuyang limitasyon ng ahensya, nagawa paring pigilan ng PCG ang mga barko ng CCG na makalapit sa mga baybayin ng Luzon.
‘The mere fact that we were able to do it means we have the capability to defend our waters,’ giit ni Tarriela, at binigyang-diin ang pangangailangan ng patuloy na modernisasyon ng mga barko ng Pilipinas. ‘Despite our current capabilities, we still need additional resources and acquisitions for the PCG to become more capable and secure our maritime territory.’