-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala ang United States at Japan sa panibagong pagbomba ng water cannon ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na nagsasagawa ng regular na resupply mission sa Scarborough Shoal.

Sa isang pahayag kinondena ni US Ambassador MaryKay Carlson ang agresibo at iligal na aksyon ng People’s Republic of China laban sa mga sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na legal na kumikilos sa Philippine exclusive economic zone.

Nilalabag aniya ng China ang international law at inilalagay sa alanganin ang buhay ng indibidwal gayundin ang kanilang hanap-buhay.

Samantala, sinabi naman ni Japanese Ambassador Koshikawa Kazuhiko, na “seryosong nababahala” siya sa mga mapanganib na aksyon ng mga barko ng Chinese Coast Guard laban sa sasakyang-dagat ng BFAR na ang misyon ay magpadala lamang ng langis at iba pang suplay sa mga mangingisda sa Scarborough Shoal.

Ang aksyon ng China, sinabi ni Kazuhiko, ay naglalagay ng panganib sa buhay at nagdudulot din ng banta sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea.