Nagkasundo si US President Joe Biden at ang mga lider ng South Korea at Japan sa Camp David na palalimin ang kooperasyong militar at pang-ekonomiya gayundin ang pagkondena sa mapanganib at agresibong pag-uugali ng China sa West Philippine Sea.
Idinaos ng administrasyong Biden ang summit kasama ang mga pinuno ng mga pangunahing kaalyado ng US sa Asya – si South Korean President Yoon Suk Yeol at Japanese Prime Minister Fumio Kishida – sa hangarin na maipakita ang pagkakaisa sa harap ng lumalaking kapangyarihan ng China at mga nuclear threats mula sa North Korea.
Sumang-ayon din silang magsagawa ng military training exercises taun-taon at magbahagi ng real-time information sa paglulunsad ng missile ng North Korea sa katapusan ng 2023.
Nangako rin ang mga bansa na magdaraos ng mga trilateral summit taun-taon.