Hindi pinagbigyan ng isang federal judge ang kasong inihain ng isang Republican congressman na nagbibigay kapangyarihan kay Vice President Mike Pence na baligtarin ang tagumpay ni US President-elect Joe Biden sa halalan noong Nobyembre.
Ang naturang lawsuit, na inihain ni Rep. Louie Gohmert, ay ang pinakahuli sa serye ng mga pagtatangka ng mga kaalyado ni President Donald Trump na ibasura ang resulta ng eleksyon, lalo pa’t nalalapit na rin ang pormal na pagbibilang ng US Congress sa boto ng Electoral College.
Si Pence, bilang pangulo ng US Senate, ang siyang mangangasiwa sa sesyon sa Huwebes (Manila time) at magdedeklara ng magwawagi sa presidential race.
Pinangalanan sa lawsuit si Pence bilang defendant, at hiniling nito sa korte na ibasura ang 1887 law kung saan nakasaad ang paraan ng paghawak ng Kongreso sa pagbibilang ng mga boto.
Iginiit nito na maaari umanong gamitin ng bise presidente ang “exclusive authority and sole discretion” nito sa pagdetermina kung aling electoral votes ang bibilangin sa isang estado.
Pero batay sa desisyon ng Trump appointee na si Texas U.S. District Judge Jeremy Kernodle, ibinase lamang daw ang kaso sa mga “speculative events.”
Ang Justice Department naman ang kumatawan kay Pence sa kasong naglalayon na makahanap ng paraan upang mapanatili si Trump sa kapangyarihan.
Sa isang court filing sa Texas kamakailan, sinabi ng kagarawan na maling defendant umano ang kinasuhan ng mga plaintiffs.
“A suit to establish that the Vice President has discretion over the count, filed against the Vice President, is a walking legal contradiction,” giit ng ahensya. (AP/ Reuters)