-- Advertisements --

Tiniyak ni US Secretary of State Michael Pompeo na magiging kakampi at kasangga ng Pilipinas ang Estados Unidos sakaling may military aggression o giyera sa South China Sea.

Sa press conference sa Department of Foreign Affairs (DFA), inulit ni Sec. Pompeo ang kanyang naging katiyakan kay Pangulong Rodrigo Duterte nang nagkaharap sila kagabi sa Villamor Air Base, Pasay City.

Sinabi ni Sec. Pompeo, kung ang military activity ng China sa South China Sea ay magiging banta sa seguridad, soberenya at ekonomiya ng Pilipinas, magiging banta rin daw ito sa Estados Unidos.

Ayon kay Sec. Pompeo, kanilang tinitiyak ang commitment ng Estados Unidos sa Mutual Defense Treaty (MDT) sa Pilipinas.

Sa panig naman ni Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin, inihayag nitong produktibo ang kanilang pag-uusap ni Pompeo kung saan nagkasundo silang palalawakin ang kooperasyon at bilateral relations ng Pilipinas at Estados Unidos.