Kinasuhan ng Amerika ang bagong Hamas leader na si Yahya Sinwar at iba pang prominenteng personalidad ng grupo kaugnay sa deadly attack sa Israel noong Oktubre 7 ng nakalipas na taon na kumitil ng 1,200 katao.
Ayon sa US Justice department, na-indict ang 6 na miyembro ng Hamas sa 7 bilang ng criminal complaint kabilang ang pagpatay sa mamamayan ng US, conspiracy to finance terrorism at use of weapons of mass destruction.
Saklaw ng criminal complaint ang ilang dekada na umanong mga pag-atake ng Hamas gayundin ang sorpresang pag-atake sa southern Israel halos isang taon na ang nakakalipas.
Ito naman ang unang hakbang ng US law enforcement para mapanagot ang mga ringleaders ng October 7 attack bagamat 3 mula sa pinangalanan sa indictment ay patay na at ang bagong Hamas leader ay pinaniniwalaang nagtatago sa mga tunnel sa ilalim ng Gaza.
Ang ibang Hamas leaders na kinasuhan ay ang pumanaw na si dating Hamas leader Ismail Haniyeh, Hamas’ Armed wing deputy leader na si Marwan Issa, Khaled Mashaal na nanguna sa grupo sa labas ng Gaza at West Bank kasama din sina Mohammed Deif at Ali Baraka.
Sina Haniyeh, Issa at Deif ay napaulat na napatay sa nakalipas na mga buwan sa pag-atake na isinisisi sa Israel.
Sakali naman na ma-convict ang naturang mga miyembro ng Hamas kabilang ang kanilang lider na si Sinwar, mahaharap ang grupo sa parusang habambuhay na pagkakakulong o death sentence.