Kinondena ng Estados Unidos ang muling pagsasagawa ng China ng dangerous maneuver o ang pagbangga ng Chinese Coast Guard sa barko ng Pilipinas na BRP Teresa Magbanua na nakadaong sa Escoda Shoal nitong Sabado.
Ayon kay US State Department spokesperson Matthew Miller, dapat daw ay sundin ng China ang international law at ihinto ang mga mapanganib nitong aksyon sa karagatan ng Sabina Shoal. Hindi aniya makatwiran ang isinasagawang pag-aangkin ng China dahil wala naman daw itong lupang teritoryo sa karagatan.
Ginagamit lang rin umano ng China ang agresibo nitong mga hakbang para ipakita sa iba pang mga bansa ang kanilang pagbabanta sa “freedom of navigation” ng Pilipinas.
Nitong Linggo, muling binigyang diin ng Estados Unidos ang Mutual Defense Treaty nito sa Pilipinas, na nagpapahiwatig naman ng suporta ng Washington sa Pilipinas sakaling magkaroon ng anumang pag atake ang China, maging sa pampasaherong barko, o mga eroplano kasama na ang mga barko ng Coast Guard.
Maalalang patuloy na inaangkin ng Beijing ang West Philippine Sea, sa kabila ng desisyon ng international court na nagsasabing walang legal na batayan ang kanilang mga pag-aangkin.