Kinondena ng Amerika ang mapanganib na maniobra ng mga barko ng China Coast Guard laban sa mga barko ng Philippine Coast Guard na nagresulta sa banggaan malapit sa Escoda shoal sa parte ng West Philippine Sea.
Kung saan nalagay aniya sa panganib ang mga buhay at nagdulot ng pinsala sa mga barko ng PCG.
Kaugnay nito muling tumindig ang Amerika para sa Pilipinas. Sinabi ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa kaniyang X account na committed ang Estados Unidos sa pag-suporta sa mga karapatan ng kanilang kaibigan, partners at kaalyado sa ilalim ng international law.
Matatandaan na nitong Lunes, nakaengkwentro ng patrol vessels ng PCG na BRP Engaño at BRP Bagacay ang mga barko ng CCG at Chinese maritime militia vessels nitong madaling araw ng Lunes na nauwi sa collision at pinsala sa mga barko ng Pilipinas matapos magsagawa ng ilegal at mapanganib na maniobra ang mga barko ng China sa layuning mapigilan ang mga barko ng PCG na makarating sa Escoda shoal.
Patungo noon ang 2 barko ng PCG sa Lawak at Patag islands para magdala ng mga suplay sa mga tropang nakaistasyon sa nasabing mga isla nang mangyari ang collision.
Sa kabila ng naturang insidente, sinabi ng National Security Council, ang head ng NTF for the West Philippine Sea, na ipagpapatuloy ng PCG ang kanilang misyon na pagdadala ng mga suplay para sa kanilang mga tauhan na nakaistasyon sa naturang lugar.
Umapela din ang National Task Force for the West Philippine Sea ng pagpipigil at sumunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at iba pang kaugnay na international laws para maiwasan ang escalations at matiyak ang seguridad ng lahat ng sasakyang pandagat na nago-operate sa rehiyon.