Mariing kinondena ng Estados Unidos ang umano’y hindi makatarungang paggamit ng dahas sa panibagong mga kaso ng karahasan sa Hong Kong.
Una rito, kritikal ang isang 21-anyos na raliyista makaraang mabaril ng pulis sa dibdib habang nagsasagawa ang mga ito ng demonstrasyon sa Sai Wan Ho District.
Ilang oras matapos nito, isang lalaki naman ang sinilaban nang buhay matapos nitong komprontahin ang isang grupo ng pro-democracy protesters.
Sa pahayag ng isang senior US official, hinimok nito ang mga pulis at mga sibilyan na pahupain ang tensyon sa pagitan nila upang maiwasan ang karahasan.
“Hong Kong police and civilians alike have a responsibility to de-escalate and avoid violent confrontations,” wika ng hindi nagpakilalang opisyal.
Samantala, kinondena rin ni Hong Kong Chief Executive Carrie Lam ang naturang mga insidente na nag-iwan din ng 60 kataong sugatan.
Ayon kay Lam, dahil sa hindi matapos-tapos na mga kaguluhan ay mistulang dinadala raw nito ang Hong Kong sa “brink of no return” o sa puntong mahirap nang pigilan ang mga nangyayari.
Sa kabila nito, muling nanindigan si Lam na hindi yuyuko ang gobyerno sa hiling ng mga ralyista.
Umapela naman si Tse Chun-Chung, chief superintendent ng Hong Kong Police, na manatiling kalmado dahil isa raw lose-lose situation para sa Hong Kong kung hindi pa rin matuldukan ang mga kaguluhan. (Reuters/ CNN)