Kinumpirma ng White House na napatay ang isang Pilipinong seafarer sa pag-atake ng Houthi rebels sa bulk cargo carrier na MV Tutor habang naglalayag sa Red Sea noong Hunyo 12.
Sinabi ni US National Security Council spokesman John Kirby na ang napatay na Pilipino tripulante ay lulan ng M/V Tutor, isang Liberian-flgged, Greek-owned ship na walang kinalaman sa nangyayaring giyera sa Gaza.
Saad pa ng US official na kritikal ding nasugatan ang isang Sri Lankan crew member sa hiwalay na pag-atake ng Houthis noong araw ng Huwebes sa M/V Verbena na isang Palauan-flagged, Ukrainian-owned at Polish-operated ship.
Kaugnay nito, kinondena ng US ang naturang mga pag-atake bilang terorismo.
Samantala, wala pa namang kumpirmasyon mula sa panig ng Pilipinas kaugnay sa pagkasawi ng isang Pilipinong seafarer na nauna ng napaulat na nawawala matapos ang pag-atake ng Houthi rebels at pinaniniwalaang na-trap sa may engine room ng barko ng mangyari ang insidente.
Una rito, nasa 22 Pilipinong seafarer ang lulan ng inatakeng cargo ship kung saan 21 dito ay ligtas at nakauwi na sa Pilipinas nitong araw ng Lunes.