-- Advertisements --

Hinikayat ng ilang mga mambabatas sa Amerika ang administrasyong Marcos at Department of Justice (DOJ) na siyasatin ang mga kaso ni dating Senadora Leila De Lima at opisyal na kilalanin ang kawalan ng ebidensiya at ibasura lahat ng kaso laban dito.

Sa liham na may petsang Oktubre 12 na naka-address kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi ng mga mambabatas na kinabibilangan nina US Senator Edward J. Markey, Richard J. Durbin, Patrick Leahy at US Representatives Aumua Amata Coleman Radewagen, Alan Lowenthal at Donald S. Beyer Jr. na lubhang nakakabahala ang umano’y hindi makatarungang pagkulong kay De Lima.

Sinabi din ng naturang mga US lawmakers na mahigit limang taon ng buhay ng dating senadora ang nawala sa mga gawa-gawang kaso lamang laban sa kanya.

Marami din umanong mga saksi ang nag-recant na ng kanilang testimonya kung saan pinulitika lamang aniya ang kaso mula’t sa simula pa lamang.

Ang kongreso ng Amerika ay humiling din ng isang independent at walang kinikilingan na pagsisiyasat upang matukoy ang dahilan ng mga miyembro ng hanay ng pulisya at iba pang mga testigo sa pagbibigay ng mga maling testimonya.

Sinabi pa ng mga mambabatas na nakulong si De Lima para sa isang “politically motivated charges” para sa conspiracy na gumawa ng drug trading na malawak ding kinondena ng international community ang pagkakakulong ni De Lima.

Ang nangayari din aniyang pangho-hostage kay De Lima noong Oktubre 9 ng isa pang bilanggo sa Camp Crame ay nagbigay linaw sa pangangailangang muling busisiin ang mga kaso sa halip na ilipat siya sa ibang detention site.

Sinabi pa ng ilang kasapi ng US Congress na maaaring magpakita ang Marcos administration ng commitment nito sa pagpapairal ng rule of law sa pamamagitan ng pagrepaso sa kaso ni Sen. De Lima, pagbabawas sa mga kaso laban sa kanya at pagpapanagot sa mga responsable sa kanyang hindi makatarungang pagkakakulong.

Hiniling din ng mga US lawmakers sa Marcos administration na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights para sa pagpapatupad ng mga rekomendasyon at matugunan ang mga concerns na idinulog ng Commissioners sa September 12, 2022 report sa bansa.

Top