NEW YORK – Posibleng makulong ng hanggang 25 taon ang tagapagmana ng Seagram liquor na si Clare Bronfman dahil sa naging pag-amin nito ng papel sa isang secret group na mayroong mga kababaihang sex slaves.
Ang 40-year-old philanthropist at dating equestrian showjumper ay anak ni Edgar Bronfman, ang dating chairman ng Seagram na may net worth na aabot sa $2.6 billion.
Nagpasok ng guilty plea si Clare para sa dalawang bilang ng kasong conspiracy sa pagtatago at paghawak sa ilang banyagang kababaihan para pagkakitaan.
Sinasabing pinondohan din ni Bronfman ang grupong “Nxivm” ni Keith Raniere.
Si Raniere ay una nang sinampahan ng mga kasong sex trafficking at forced labor conspiracy.
Maliban sa founder ng grupo, may limang iba pa na mga akusado rin sa kaso, ngunit pawang nagpasok na ng guilty plea ang mga ito. (AFP)