-- Advertisements --

Maglalaan ng kabuuang P126-milyon ang Estados Unidos sa Pilipinas upang makatulong sa gobyerno na ipatupad ang basic education plan sa gitna ng COVID-19 pandemic ngayong hindi pa rin pwede ang face-to-face classes.

Sa pahayag ng US Agency for International Development (USAID), magbibigay sila ng instruction strategies at learning materials sa mga Filipino teachers na nakadisenyo para sa school at home learning.

Tutulungan din aniya nila ang Department of Education (DepEd) sa pag-develop ng tools para masukat ang literacy skills ng mga estudyante sa oras na bumalik na ang mga ito sa paaralan.

Bubuo rin daw sila ng mga aktibidad na maaaring isagawa ng mga magulang sa bahay at makikipag-ugnayan sa mga private sector at local media companies para maikalat kung paano maipagpapatuloy ng mga bata ang pag-aaral kahit na sarado ngayon ang mga eskwelahan.

Una nang sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na sa 700,000 mga guro na sumagot sa DepEd survey, 87 percent ang mayroong mga laptops o computers sa bahay at 13 percent ang wala.

Sa mga mayroon namang gadgets, 41 percent lamang ang mayroong internet connection, 49 ang may internet signal sa kanilang lugar pero walang sariling internet connection, at 10 percent ang mga wala nito pareho.

Sa ngayon, mahigit na sa 11-milyong public school students ang nag-enrol na para sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24.