Nangako ang United States Coast Guard (USCG) na magpapadala ng mga asset sa disputed waters para suportahan ang Pilipinas sa paninindigan sa sovereign rights sa exclusive economic zone ng ating bansa ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa isang statement, sinabi ng PCG na idedeploy ng USCG ang North Pacific Coast Guard nito kasunod ng panukala ni PCG Admiral Ronnie Gil Gavan para sa mas malaking deployment sa high seas para tugunan ang nakaambang banta ng China na pag-aresto sa mga dayuhang trespasser sa ikinokonsidera nitong maritime boundaries.
Ang naturang panukala ay ginawa hindi lamang para sa USCG kundi maging sa Japan Coast Guard sa idinaos na International Institute for Strategic Studies Shangri-La Dialogue sa Singapore kamakailan.
Samantala, ipinanukala naman ng Japan Coast Guard na magsagawa ng mas maraming personnel exchange sa mga counterpart nito bilang pagtalima sa maritime law enforcement at rule of law.