Nangako ang United States sa Ukraine na magpapadala ito ng mga armas na kakailanganin ng bansa laban sa Russia.
Ipinahayag ito ni US National Security Adviser Jake Sullivan sa isang statement at sinabing ito ay upang mapigilan ang ginagawang pananakop at pag-atake ng Russia sa mga sibilyan na tinawag nitong “war crimes”.
Ayon sa opisyal, sa ngayon ay ginugugol na ng Amerika ang lahat ng kanilang oras upang agad na maihatid ang mga nasabing sandata at gayundin ang organizing at coordinating ng delivery ng mga armas mula sa iba pang mga bansa.
Kabilang sa mga weapon shipment na ito ay ang defensive anti-aircraft Stinger, anti-tank Javelin missiles, ammunition, at body armor.
Sinabi naman ng White House na umabot na sa $1.7 billion ang halaga ng military assistance ang naipadala na ng U.S. sa Ukraine mula nang salakayin ito ng Russia noong February 24.
Samantala, nagpahayag naman ng pag-aalinlangan si Ukrainian President Volodymyr Zelensky hinggil sa gagawing paghahatid ng armas ng Estados Unidos sa kanilang bansa.
Aniya, nakasalalay kasi sa bilis nang pagkilos sa isinasagawang pagtulong ng Amerika ang kapalaran ng Ukraine na manalo o matalo sa digmaang kanilang kinakakarap ngayon.
Magugunita na kamakailan lang ay inatake ng missile strike ang isang train station sa lungsod ng Kramatorsk in the Donetsk region sa Ukraine na nagbunsod naman sa pagkasawi ng mga pagkamatay ng nasa mahigit 50 katao.