Magpapataw umano ng karagdagang mga sanctions ang Estados Unidos sa Iran upang pigilan ang mga ito na magkaroon ng mga nuclear weapons.
Kasunod ito ng anunsyo ng Iran na kanilang mahihigitan na ang itinakdang limitasyon sa pag-iimbak ng enriched uranium sa loob ng ilang araw.
Ayon kay US President Donald Trump, mananatili raw ang economic pressure hangga’t hindi nagbabago ang isip ng Tehran.
“We’re putting additional sanctions on,” wika ni Trump. “In [some] cases we are moving rapidly.”
Iginiit din ni Trump na wala raw problema sa kanya kung nais ng Iran na maging maunlad na bansa pero hindi raw nila ito magagawa kung kanila raw iisipin na magkakaroon na sila ng nuclear weapons sa loob ng lima hanggang anim na taon.
Ang limitasyon sa stockpile ng enriched uranium ay itinakda sa ilalim ng nuclear deal sa pagitan ng makapangyarihang mga bansa sa mundo noong 2015.
Bilang kapalit, aalisin ang ilang mga sanctions upang maipagpatuloy muli ng Iran ang kanilang oil exports, na pangunahing pinagkakakitaan ng kanilang gobyerno.
Ngunit kumalas sa naturang kasunduan ang US noong 2018 at kanila ring ibinalik ang mga sanctions.
Naging hudyat naman ito upang magkaroon ng economic meltdown sa Iran, dahilan upang bumaba ang halaga ng kanilang pera at layasan sila ng mga foreign investors. (BBC)