Nagpatawag ng teleconference meeting ang Estados Unidos sa UN Security Council upang talakayin ang plano ng China na magpatupad ng national security legislation sa Hong Kong.
Ito’y matapos iendorso ng National People’s Congress (NPC) ang resolusyon na magbibgay pahintulot sa Standing Committee ng Hong Kong para gawin nang batas ang isinusulong na national security bill ng China sa nasabing rehiyon.
Sa inilabas na pahayag ng Amerika, sinabi nito na lubha silang nababahala sa aksyon na isinusulong ng China dahil nilalabag umano nito ang high degree ng autonomy at kalayaan ng Hong Kong sa ilalim ng Sino-British Joint Declaration of 1984.
Sa ilalim din ng nasabing batas ay kakailanganin ng Hong Kong government na magtayo ng bagong institusyon para pangalagaan ang kanilang soberanya habang papayagan naman ang mainland China na maglagay ng mga ahensya sa naturang lungsod.
Una nang itinanggi ni Hong Kong chief executive Carrie Lam na makakaapekto sa karapatan ng mga taga-Hong Kong ang isinusulong na national security law ng China.
Ayon kay Lam, responsibilidad pa rin umano nito na protektaham ang kaniyang nasasakupan sa kabila ng kilos-protesta na kanilang ginagawa.
Dagdag pa nito na wala pang malinaw na detalye ang panukala kung kaya’t hindi dapat ito pakialaman ng ilang bansa na una nang nagpahayag ng kanilang pagkabahala.
Isa na rito ang Estados Unidos na tahasang inamin na handa itong patawan ng parusa ang Beijing sa oras na ituloy ng nasabing bansa ang panghihimasok sa Hong Kong.