Sinimulan na ang paghahatid ng humanitarian aid sa Gaza sa pamamagitan ng floating pier na itinayo ng US military.
Unang dumating ang tulong mula abroad patungong Cyprus bago dalhin ng barko patungo sa floating platform malapit sa baybayin ng Gaza saka tuluyang dinala sa floating pier at ikinarga sa trucks para ipamahagi sa mga Palestinong naipit sa kaguluhan sa Gaza.
Ayon kay US Naval Forces Central Command Commander Adm. Brad Cooper, layunin ng naturang hakbang na makakuha ng 500 tonelada ng humanitarian assistance para sa Gaza sa pamamagitan ng pagdaan sa naturang pier kada araw o katumbas ng 90 trucks kada araw.
Ayon naman sa US Central Command (CENTCOM) walang US troops ang nagtungo sa msimong pampang ng Gaza.
Matatandaan na sinimulang itayo ng US ang $320 milyong pier noong huling bahagi ng Abril bilang pansamantalang hakbang para sa humanitarian purposes kabilang ang pagdadala ng aid commodities na donasyon ng ilang mga bansa at humanitarian organizations.
Ang bagong maritime corridor ay inilunsad matapos na isara ang Rafah border patungo sa Gaza sa loob na ng mahigit isang linggo dahilan kayat hindi makapasok ang mga tulong para sa mga mamamayan doon.